Pinulong na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang mga regional director ng kagawaran sa Region 1, 2, 3 at Cordillera Administrative Region (CAR) bilang paghahanda sa Bagyong Henry.
Ayon kay Sec. Tulfo, ito ay para matiyak na may sapat na food packs at non-food item ang mga imbakan ng DSWD.
Layon nito na agad maipaabot sa kada pamilya ang tulong kung sakaling kailanganin.
Sa CAR bukod sa ₱5 milyon na standby fund, nakahanda na rin ang 55,000 food packs at naka-preposition na ang 33,000 na food packs.
Sa Region 1 ay 22,000 food pack ang naka-imbak sa anim na DSWD satellite warehouse.
Sa Region 2, ₱10 milyon ang standby fund at 29,000 ang stockpiles ng food packs habang 16,000 food packs ang nakahanda sa Region 3.
Samantala, tiniyak ng DSWD National Resource Operation Center na handa silang magbigay ng karagdagang supply kung sakaling kapusin ang mga DSWD regional office.