Pinag-iingat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko sa kumakalat na pekeng Facebook page ng ahensya na nambibiktima sa mga gustong makasama sa iba’t ibang welfare programs ng ahensya.
Ang bogus na Facebook page ay gumagamit ng profile picture ni DSWD Secretary Rolando Bautista at nangangampanya ng pagutol sa dynasty at anarkiya sa bansa.
Dinadagsa na umano ang Facebook page ng iba’t ibang requests na mapasama sa mga programa ng DSWD.
Paglilinaw ng ahensya, walang Facebook account ang kalihim at hindi rin ito tumatakbo sa alinmang posisyon sa halalan 2022.
Pinayuhan ng DSWD ang publiko na bisitahin lamang ang official Facebook Page ng ahensya sa https://www.facebook.com/dswdserves or @dswdserves, na mayroong 1.1 million followers.
Dito rin makikita ang mga anunsyo at updates sa iba’t ibang serbisyo at programa ng DSWD.
Sa ngayon ay gumagawa na ng hakbang ang DSWD para matukoy at mapanagot ang nasa likod ng pekeng Facebook page.