Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na mag-ingat sa mga indibidwal na nagpapakilalang DSWD personnel para makapag-recruit at maglarga ng mga aktibidad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Nakatanggap ng report ang ahensya na may ilang katao ang nakasuot din ng pulang DSWD vest ang nag-iikot at pinapangakuan ang ilang katao na isasama sila sa ongoing recruitment sa programa.
Hinihingan umano sila ng personal na impormasyon at ng kanilang cash card account numbers.
Nilinaw ng DSWD na walang kasalukuyang registration ng mga additional 4Ps beneficiaries.
Tanging mga maralitang kasambahayan na nasa listahanan database ang kwalipikadong 4Ps beneficiaries.
Wala ring ipinakalat na mga tauhan para kumuha ng cash card account dahil ito ay confidential information.
Payo ng ahensya, maging mapagbantay ang publiko at huwag basta magbibigay ng kanilang personal information.