Abot sa mahigit labintatlong milyong pisong halaga ng dagdag na financial at relief assistance ang ipinamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residenteng apektado ng pag-putok ng Bulkang Taal.
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, as of January 28, nasa 109,054 families o katumbas ng 412,217 na katao sa CALABARZON ang apektado ng Taal Volcano eruption.
Bilang tugon na rin sa kahilingan ng mga lokal pamahalaan na makapagpasada ng augmentation assistance, nagpamahagi ang ahensiya ng dagdag na 29,043 family food packs, 6,360 ready-to-eat food, 1,870 sleeping kits, at 4,643 plastic mats.
Tiniyak ng DSWD na may sapat silang pondo o resources para asistihan ang LGUs sa pangangailangan ng mga apektadong residente.
Sa ngayon ay may P910,245,390.43 na standby funds at stockpile ng mga food and non-food items ang DSWD na nakahandang ipamahagi kung kakailanganin.
Sa katunayan, bumuo ng Task Group Taal si Secretary Bautista para tiyakin tuloy-tuloy ang paghahatid ng tulong.
Pinabibisita mismo kay Assistant Secretary Jose Antonio Hernandez ang mga evacuation centers para tingnan ang mga kondisyon ng mga bakwit at i-monitor ang suplay ng relief assistance.