DSWD, nagpadala ng karagdagang tulong sa mga apektado ng Bagyong Egay sa Cagayan Valley

Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang field office nito sa Cagayan Valley ay namahagi ng karagdagang family food packs (FFPs) at iba pang relief items sa iba’t ibang munisipalidad sa rehiyon.

Ayon sa DSWD na bukod sa mga naka-preposition na family food packs at iba pang relief goods sa 93 local government units (LGUs) sa Cagayan Valley, namahagi ang mga tauhan ng DSWD ng 400 food packs at non-food items (NFIs) sa munisipalidad ng Claveria, 500 sa Sta. Praxedes, 300 sa Sanchez Mira, 300 sa Alcala at 500 kalakal sa Lallo.

Paliwanag pa ng DSWD na isa pang 600 food packs at 1,000 bottled water ang naipamahagi din sa munisipyo ng Aparri habang karagdagang 500 food packs at 1,000 bottled water ang agad na ipinadala sa mga bayan ng Sta. Ana at Gonzaga, Cagayan.


Ang tulong pinansyal na nagkakahalaga ng ₱10,000 sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng departamento ay ipinaabot din sa mga naulilang pamilya ng mga biktima ng bagyo.

Kamakailan ay inatasan ni Secretary Rex Gatchalian ang Disaster Response and Management Team (DRMG) na magpadala ng kabuuang 17,000 family food packs sa apat na bodega ng DSWD sa Cagayan Valley Region.

Ayon sa pinakahuling ulat, namahagi ang DSWD field office ng mahigit ₱6.65 million sa 9,160 na pamilya o 29,639 indibidwal na naitalang apektado sa 49 na munisipalidad sa Region 2.

Una na rito, patuloy na nagmo-monitor at nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang Local Government Unit (LGU) ang DSWD upang agad na makapagbigay ng tulong na kailangan ng mga pamilyang nasalanta ng naturang bagyo.

Facebook Comments