DSWD, nagpasalamat sa DILG at PNP sa paghabol sa mga opisyal na sangkot sa anomalya sa SAP

Nagpapasalamat ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa pagtugis sa mga lokal na opisyal na dawit sa maanomalyang pamamahagi ng emergency cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Ito ang pahayag ng kagawaran matapos patawan ng anim na buwang preventive suspension ng Office of the Ombudsman hinggil sa kanilang pagkakasangkot sa anomalya sa SAP.

Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, hindi na palalampasin ng ahensya ang anumang iregularidad sa pagpatutupad ng SAP.


“Nakakalungkot na mayroong nakasuhan sa implementasyon ng SAP, ngunit hindi kinatigan ng ating ahensiya ang anumang maling gawain lalo pa kung ito ay salungat sa sinusulong ng ahensya para sa mahihirap at nangangailangan,” sabi ni Bautista.

Binigyang diin ni Bautista ang papel ng mga Local Chief Executives, kabilang ang mga alkalde at gobernador sa pagtitiyak na walang magaganap na anomalya sa pagpatutupad ng SAP.

Ang mga Local Government Unit (LGU) ang inatasan para tukuyin ang mga benepisyaryo ng SAP lalo na at sila ang nakaka-alam sa socio-economic background ng kanilang mga kababayan.

“Malaki ang gampanin ng lokal na pamahalaan na walang anomalya o iregularidad sa pagpapatupad ng SAP. Mahalaga ang kanilang pagtalima sa panuntunan na ibinabahagi ng DSWD upang matiyak na wasto ang implementasyon ng programa lalo sa pagkilala ng kwalpikadong pamilya na makatanggap ng ayuda,” ayon kay Bautista.

Sa ngayon, nakapamahagi na ang DSWD ng higit ₱82.7 billion na halaga ng SAP 2 sa higit 13.85 million beneficiaries.

Facebook Comments