Inilagay na sa red alert status ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang mga lugar na maapektuhan ng low pressure area (LPA) sa Mindanao na mataas ang tsansa na maging bagyo sa darating na weekend.
Ayon kay Tulfo, pinulong na niya ang mga regional director upang paghandaan ang banta ng nasabing LPA.
Binigyang-diin ni Tulfo na dapat agarang magpadala ng tulong sa mga posibleng maaapektuhan ng sama ng panahon.
Dagdag pa ng kalihim, kinansela na niya ang day-off ng mga tauhan ng DSWD sa mga lugar na pwedeng magpaulan bunsod ng LPA.
Mahalaga aniya ang kahandaan lalo pa’t malaki ang inaasahan ng publiko sa administrasyong Marcos.
Magbibigay naman ng update si Tulfo kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., upang siguruhin ang kahandaan ng pamahalaan sa posibleng hagupit ng sama ng panahon.