Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagsasagawa na sila ng manual payout para sa mga hindi pa nakatatanggap ng ayuda sa ilalim ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP).
Nabatid na naghayag ng pagkabahala si Alitagtag, Batangas Mayor Edilberto “Dingdong” Ponggos na nasa 1,151 SAP 2 beneficiaries pa ang hindi nakatatanggap ng emergency subsidy sa ilalim ng napasong Republic Act 11469 o Bayanihan to Health as One Act.
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, humihingi sila ng paumanhin dahil sa pagkakaroon ng delay sa distribusyon ng cash subsidy.
Humingi na sila ng tulong sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa pagbibigay ng ayuda sa pamamagitan ng financial service providers.
Pagtitiyak ni Bautista na isasagawa ang manual payout ngayong araw o bukas para sa natitirang SAP recipients sa nasabing bayan.
Sa ngayon, aabot sa 23 million family beneficiaries ang nakinabang na sa 200 billion SAP program.