Nakapagbigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng higit ₱1.41 million na halaga ng relief at financial assistance sa mga biktima ng Magnitude 6.6 na lindol sa Masbate na tumama nitong August 18.
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, personal niyang binisita ang probinsya para makita ang pamamahagi ng ayuda at matiyak na ang lahat pangangailangan ng mga apektadong pamilya at naipapaabot.
Pinangunahan din ni Bautista ang pamamahagi ng ₱5,000 cash aid sa 35 pamilya kung saan ang kanilang bahay ay tuluyang pinabagsak ng lindol.
Namahagi rin ng family food packs sa mga pamilyang nakatira sa mga bahay na bahagyang napinsala.
Pagtitiyak ni Bautista sa mga biktima na handa ang DSWD na magbigay ng augmentation support sa Local Government Units (LGUs) sa panahon ng kalamidad.
Sa datos ng DSWD Field Office 5, nakapamahagi na ang ahensya ng 1,103 family food packs, rolyo ng laminated sacks, at tents na nagkakahalaga ng ₱915,478 at nagpaabot ng cash aid na nagkakahalaga ng ₱325,000 sa 65 apektadong pamilya sa mga munisipalidad ng Cataingan, Palanas at Pio V. Corpus sa Masbate.