Nakikipag-ugnayan na ang Department of Social Welfare and Development sa Local Government Units ng mga lugar na sinalanta ng Bagyong Agaton.
Sabi ni DSWD spokesperson Irene Dumlao, libu-libong pamilya pa rin ang nananatili sa mga evacuation center sa mga rehiyon ng Western, Central at Eastern Visayas, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, Davao Region at CARAGA.
Sa ngayon, patuloy ang pamamahagi ng DSWD ng food packs at iba pang pangangailangan ng mga residente sa mga apektadong LGU.
Samantala, naglaan na rin ang Department of Health ng mahigit ₱55 million para sa pangangailangan ng mga naapektuhang rehiyon.
Sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mahigit ₱6 million dito ang ipinambili ng mga gamot, health kits, Personal Protective Equipment at iba pang COVID-19 supplies para sa mga apektadong residente.
Kasunod nito, nanawagan si Vergeire sa LGUs na magtalaga ng safety officers na magbabantay sa evacuation centers para matiyak na nasusunod ang minimum public health standards.