Manila, Philippines – Nanawagan sa publiko ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na huwag ipakalat sa social media ang mga namo-monitor na pang-aabuso sa mga bata.
Kasunod ito ng pag-apela ni DSWD Spokesperson at Assistant Secretary Glenda Relova sa publiko na itigil ang pag-share sa video ng paslit na ibinitin patiwarik habang sinasaktan ng kaniyang sariling tatay.
Ayon kay Assistant Secretary Relova, hindi ito nakakatulong sa halip ay nagpapalala lamang sa trauma ng bata.
Pakiusap ni Relova sa publiko, sa halip na ipakalat sa social media ,mas makakatulong ang mga ito kung direktang magsumbong na lamang sa Commission on Human Rights (CHR), Philippine National Police (PNP) o National Bureau of Investigation (NBI).
Matapos na mag-viral sa social media ang kaso ng bata, agad na nag-imbestiga ang DSWD at agad na isinailalim ito sa protective custody ng Bahay Pag-asa ng City Social Welfare and Development Office.
Tumututok naman na ngayon dito ang DSWD Calabarzon na nangako na tuloy-tuloy na magsasagawa ng assessment at kaukulang interbensyon para gamutin ang trauma ng bata.
Kapag naisagawa na ang mga proseso, ipapasakamay ng DSWD ang bata sa isang accredited child caring agency para mabigyan ng kaukulang pag-aaruga.