Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na wala pa silang natatanggap na ulat ukol sa anomalya o iregularidad kaugnay sa pamamahagi ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, wala pa sila sa ngayon na natatangap na reklamo kung may mga local government official na umaabuso sa implementasyon ng pamamahagi ng tulong pinansiyal.
Ito ay kasunod ng unang inihayag ni Interior Secretary Eduardo Año na nasa 416 opisyal ng barangay ang iniimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sa pagkakasangkot sa anomalya sa distribusyon ng pondo.
Paliwanag ni Dumlao, para sa second tranche ng SAP ay gumamit na ang DSWD ng Financial Service Providers (FSP) para gawing digital ang payout at matiyak na deretso na ang cash subsidy sa account ng mga benepisyaryo.