Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na walang backlog ang ahensya sa pamamahagi ng ₱500 monthly social pension para sa mga mahihirap na senior citizens.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, nasa mahigit 4.1 milyong Indigent Seniors ang “On Time” na nabayaran ng social pension.
Gayunman, mayroong 466,000 Indigent Senior Citizens ang nasa waitlist dahil nangangailangan ng karagdagang pondo bago maisama sa programa.
Paliwanag pa ni Lopez, na baka ang tinutukoy na backlog ni Senator Sonny Angara sa kanyang budget hearing ay ang 466,000 waitlisted Senior Citizens na hindi pa sakop ng programa.
Sa ngayon aniya, ang pondong nakalaan para sa social pension program ngayong 2023 ay para lamang sa mahigit 4.1 million Senior Citizens na tumatanggap ng ₱500 monthly na kabayaran.
Binigyang-diin ni Lopez na sa bilang na ito, nasa 93,000 Senior Citizens lamang ang tinanggal sa listahan dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng pagkamatay ng benepisyaryo.