Wednesday, April 1, 2026

DSWD Secretary Gatchalian, nakausap na ang batang babae na nag-viral ang sulat para kay Pangulong Bongbong Marcos

Nakausap na ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang batang babae na nag-viral ang sulat para kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa naturang sulat ng 11-anyos na bata, ikinuwento niya ang kanilang kalagayan at ang kanyang hangaring matutong magbasa, ngunit aniya ay nabibiktima umano siya ng pang-aabuso.

Ayon kay Gatchalian, agad umanong ipinahanap ng Pangulo ang bata kahapon ng umaga matapos kumalat sa social media ang sulat nito.

Nagkataon namang nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Redeemer Homeless Shelter kaugnay ng mga ulat at reklamo mula sa ilang opisyal ng Barangay Caloco, Tinambak, Camarines Sur.

Kaugnay nito, nakausap na rin ni Gatchalian ang nangangasiwa ng naturang shelter, pati na ang batang babae na nagtungo sa punong tanggapan ng DSWD.

Sa halip na ipasara ang shelter, magbibigay ang DSWD ng technical at financial assistance sa mga pamilya, gayundin ng psycho-emotional support para sa mga kabataan.

Tutulong din ang ahensya sa paghahain ng mga kasong legal laban sa mga itinuturong responsable sa pang-aabuso.

Dagdag pa ng kalihim, nakaaalarma ang insidente kaya mahigpit itong babantayan alinsunod sa direktiba ng Pangulo.

Facebook Comments