Tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na mabibigyan ng proteksyon ang mga miyembro ng Socorro Bayanihan Services, Inc. (SBSI) kaugnay ng planong relokasyon para sa mga ito.
Sa ginanap na pagpupulong sa DSWD Central Office na dinaluhan nina Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga at Surigao del Norte Governor Robert Lyndon Barbers, tiniyak ng kalihim na magiging maayos ang relokasyon ng SBSI.
Inatasan na ng DSWD ang Department Operations Group na asistihan ang provincial government ng Surigao na i-identify ang mga miyembro ng grupo na pagsasamasamahin sa kanilang komunidad para sa aktuwal na relokasyon.
Ayon naman kay Governor Barbers, ang nasabing proposal at resettlement master plan ay nararapat na matugunan ang kailangang mga pabahay at relocation assistance para sa may 390 SBSI members ng Socorro group.
Samantala, sinimulan na ng Surigao del Norte provincial government ang pagpaplano para sa relocation ng Socorro group matapos namang suspindihin ng DENR ang 2004 Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA) sa SBSI.
Samantala, nagsampa naman ng hiwalay na resolusyon sina Senators Risa Hontiveros and Ronald dela Rosa para naman sa imbestigasyon sa mga illegal activities ng SBSI na nakabase sa Surigao del Norte.