DSWD, tiniyak na ang mga hindi nagastos na pondo ay mapupunta sa mga iba’t ibang programa

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang mga hindi nagastos na pondo ay nakalaan na para sa pagpapatupad ng iba’t ibang programa, aktibidad at serbisyo.

Matatandaang inaprubahan ng Senado ang Resolution No. 574 na pinapalabas agad ang pondo sa DSWD para tulungan ang mga biktima ng bagyo at manggagawang naapektuhan ng pandemya.

Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, ang kanilang kabuuang pondo para sa fiscal year 2020 budget, kabilang ang balance mula noong 2019 ay nagkakahalaga ng ₱83.24 billion ay magagamit sa iba’t ibang programa ng ahensya.


Iginagalang din nila ang resolusyon ng Senado at tiniyak na ginagawa na nila ang lahat ng hakbang para maipatupad ang mga programa ng kagawaran para masuportahan ang mga mahihirap na naapektuhan ng COVID crisis at mga nagdaang bagyo.

Ang 83 billion pesos na pondo ay ilalaan sa pagpapatupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Sustainable Livelihood Program, Social Pension para sa mga Senior Citizens at Supplementary Feeding Program.

Facebook Comments