
Nilinaw ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na hindi nakakatanggap ng doble na ayuda ang mga drivers.
Kasunod ito ng ulat na may ilang drivers na nakatanggap ng higit sa ₱5,000 na cash relief assistance mula sa DSWD.
Pangunahing dahilan umano nito ay ang pagkakaroon ng dobleng pangalan sa listahan ng pamamahagi ng ayuda.
Ayon kay Sec. Gatchalian, nililinis nila ng husto ang listahan upang matiyak na walang doble-doble na entry.
Kahit ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB), ayon kay Board Member Greg Pua, ay nagsasagawa ng validation upang matiyak na hindi ma-duplicate ang pangalan ng mga drivers.
Sa listahan ng LTFRB, mula sa 53,000 karagdagang Transportation Network Vehicle Service (TNVS) drivers, nasa 24,000 ang duplicate, sa 81,000 dagdag na pangalan ng MC taxi drivers, nasa 3,000 ang duplicate habang 78,000 ay patuloy na bineberipika.
Sa panig naman ng mga jeepney at tricycle drivers, pupulungin ng mga asosasyon sa iba’t ibang Local Government Units (LGUs) sa Metro Manila ang kanilang miyembro upang mai-update ang listahan.
Ipapaskil din umano ang listahan sa social media accounts ng asosasyon upang makita ng mga Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) drivers kung sila ay kwalipikado para makatanggap ng ayuda.
Sa susunod na bugso ng ayuda, plano ng DSWD na i-digitalize na ang pamamahagi, dahil nagsilbing verification process ang unang bugso ng pamamahagi upang matukoy ang mga kwalipikadong drivers.










