DTI, humihirit sa Senado ng dagdag na ₱300-M para sa Consumer Protection Program

Humirit ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Senado ng ₱300 million, para palakasin ang mandatong protektahan ang mga consumers.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance patungkol sa 2024 budget ng DTI, sinabi ni Trade Secretary Alfredo Pascual na hindi kasama sa nabigyan ng pondo ang Consumer Protection Program dahil naisumite na ang proposed budget ng ahensya bago nila napagusapan ang programa.

Ayon naman kay DTI Asec. Jean Pacheco, popondohan dito ang Inter-DTI Strike Team na siyang iikot sa bansa para sa enforcement activities ng consumer education at pagresolba ng mga reklamo.


Ang ₱130 million sa nasabing halaga naman ay ipangpopondo para pambili ng kagamitan para sa certification at testing ng vape products.

Suportado naman ni Senator Mark Villar ang hirit na pondo at sinabing kailangan ng DTI na palakasin ang pagbabantay nito laban sa mga hoarders at manipulators.

Kung si Senate President pro tempore Loren Legarda ang tatanungin, kailangang makumbinsi ng DTI na mayroon silang kapasidad para ipatupad ang programa.

Facebook Comments