DTI, kinalampag sa local production ng COVID-19 vaccines

Kinalampag ni BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co ang Department of Trade and Industry (DTI) kaugnay sa local production ng COVID-19 vaccines.

Punto ni Co, napag-iiwanan na ang Pilipinas sa pagpo-produce ng sariling COVID-19 vaccines dahil wala pang ganitong mga hakbang na sinisimulan sa bansa.

Katunayan aniya, ang Thailand ay nag-umpisa na ng kanilang local production ng AstraZeneca COVID vaccine, ang Taiwan naman ay may na-develop na sariling bakuna habang ang Indonesia ay nag-uumpisa na sa paggawa ng local vaccine.


Umaalma ang kongresista dahil puro plano pa lang ang nagagawa ng bansa at wala ring naririnig na mga susunod na hakbang mula sa DTI.

Sakaling magkaroon na ng produksyon ng COVID-19 vaccines sa bansa ay maaaring kumilos ang Kongreso para mabigyan ng insentibo sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Law na aaprubahan naman ng Fiscal Incentives Review Board.

Ang mga biniling COVID-19 vaccines sa ibang bansa, mga PPE, at iba pang medical supplies ay exempted sa VAT sa ilalim ng CREATE.

Facebook Comments