Pinalagan ng Laban Konsyumer Inc., ang desisyon ng Department of Trade and Industry (DTI) na payagan ang taas-presyo sa ilang basic necessities and prime commodities.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Laban Konsyumer President Victorio “Vic” Dimagiba na hindi napapanahon ang taas presyo lalo na’t maraming pamilyang Pilipino ang patuloy na naghihirap dahil sa pandemya.
Ayon kay Dimagiba, kahit iginigiit ng DTI na September 2019 pa ang huling Suggested Retail Price (SRP) adjustment, nagsimulang tamaan naman ng COVID-19 pandemic ang Pilipinas noong 2020.
Bukod dito, kinukwestyon din ng Laban Konsyumer ang listahan ng DTI sa SRP ng basic necessities and prime commodities kung saan marami aniya rito ang kanilang tinanggal at hindi na mino-monitor o nare-regulate ang presyo.