DTI, nakikipag-ugnayan na sa LGUs para sa guideline ng pagbubukas ng mga sinehan

Photo Courtesy: CGTN

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Local Government Units (LGUs) para bumuo ng mga patakaran sa muling pagbubukas ng mga sinehan sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).

Ito ay matapos hilingin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Inter-Agency Task Force (IATF) na ipagpaliban ang pagbabalik-operasyon ng mga tradisyunal na sinehan sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, binigyan na nila ang mga LGU ng draft ng implementing guideline na binuo kasama ang Department of Health (DOH) sakaling buksan na ang mga sinehan sa NCR.


Kabilang aniya sa guidelines ang ang pagsuot pa rin ng mask habang nanonood, pag-sanitize ng buong sinehan pagtapos ng kada pelikula at pagtitiyak ng magandang ventilation para sa air circulation.

Maliban dito, kasama rin aniya sa panukalang implementing guidelines na magpatupad muna ng 20 percent seating capacity sa mga sinehan.

“By the way ang nag-develop ng draft implementing protocol DOH kasama na po diyan. So, iyong mga pangamba po natin na magkakalat ang ano… huwag kayong mag-aalala dahil the experts po have looked into this, iyong Technical Working Group, hindi ko po ito inimbento.” ani Lopez

Giit pa ni Lopez, layon ng pagbubukas ng mga sinehan ay para mabigyan ng trabaho ang mga naapektuhang manggagawa ng pandemya.

Facebook Comments