DTI, nanawagang i-review ang price control sa essential medicines

Nanawagan ang Department of Trade and Industry (DTI) na muling i-review ang Executive Order No. 104, ang ikalawang bahagi ng pagpapatupad ng proce reduction sa essential at life-saving drugs.

Nabatid na ang EO ay magiging epektibo na simula sa June 2, 2020.

Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, kailangang irekonsidera ang ilang ‘pros’ at ‘cons’ sa nasabing EO.


Mahalaga aniyang mapag-aralang mabuti ang listahan ng mga produktong sakop ng price control, lalo na kung ang gamot ay para sa COVID-19.

Paglilinaw ni Lopez na hindi niya hinihiling na suspendihin o i-antala ang pagpapatupad ng EO pero mahalagang masilip ito ng Department of Health (DOH) lalo na at may kinakaharap ng health crisis ang bansa.

Una nang iginiit ng grupong Laban Konsyumer Inc. sa pamahalaan na hindi na pwede silang umatras sa pagpapatupad ng EO.

Ayon kay Laban Konsyumer President Victorio Dimagiba, nasa 45 hanggang 55% ang matatapya sa presyo ng ilang mahahalagang gamot lalo na sa hypertension, diabetes, anti-asthma, anti-coagulant, antidepressant, at anti-viral medicines.

Hindi rin aniya dapat kinukunsinte ang mga pharmaceutical companies kung inaamin na mga ito na tumaas ang presyo ng kanilang mga ibinebentang gamot.

Bago ito, nagbabala na ang Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP) sa pamahalaan na nasa ₱28 billion ang mawawalang kita kapag ipinatupad ang price control.

Facebook Comments