Dalawampu’t tatlong araw bago sumapit ang Pasko, nagpaalala ang Department of Trade and Industry Pangasinan sa publiko na unahin ang kaligtasan sa pagbili ng dekorasyon at paputok ngayong holiday season.
Ayon sa ahensya, dapat lamang pumili ng produktong may Philippine Standard o Import Commodity Clearance marks bilang patunay na dumaan sa mahigpit na pagsusuri para sa kalidad at kaligtasan.
Naglabas na rin ang DTI ng updated list ng certified Christmas lights at valid PS licenses para sa fireworks ngayong 2025, na makikita sa kanilang opisyal na website.
Kasabay nito, pinaigting ang market monitoring upang matiyak na tanging ligtas at aprubadong produkto ang ibinebenta sa mga tindahan at pamilihan sa buong lalawigan.
Ayon sa DTI, layunin nitong masiguro ang masaya, maliwanag, at ligtas na pagdiriwang ng Pasko para sa bawat pamilyang Pangasinense.
Matatandaang nitong Nobyembre lamang ay sumabog ang isang pagawaan ng ilegal na paputok sa Dagupan City, kung saan isa ang namatay at ilang iba pa ang nasaktan.









