Tiniyak ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na tuloy pa rin ang mga pabrika sa pag-re-repack ng mga produkto tulad ng sardinas sa kabila ng umiiral na community quarantine.
Ayon kay Lopez, kinakailangan nilang ituloy ito para hindi magkaroon ng kakulangan sa suplay ng mga produkto.
Una nang sinabi ni Cabinet Secretary Prospero Nograles na maaari pa ring mag-operate ang kalahati ng kabuuang manggagawa ng mga kompanya ng pagkain kahit pa may quarantine.
Sa kabila nito, binigyang diin din ni Lopez na posible pang sumobra sa 50% ng mga trabahador sa mga kompanya ang maaaring payagan para sa mga basic needs tulad ng pagkain.
Nakadepende pa rin ang pagdaragdag ng mga manggagawa sa kinakailangang suplay ng mga pangunahing bilihin sa Mercado.