DUDA | Pagbili ng PNOC ng P2-B halaga ng krudo, kinuwestyon

Manila, Philippines – Duda si Senador Win Gatchalian sa gagawing pagbili ng Philippine National Oil Company (PNOC) ng dalawang bilyong pisong halaga ng diesel o krudo sa Singapore.

Sabi ni Gatchalian, hindi siya sigurado kung ito talaga ang pinakamabuting hakbang para matulungan ang mga driver sa sektor ng pampublikong transportasyon.

Wala kasi aniyang katiyakan na ang aangkating murang krudo ay mapapakinabangan talaga ng mga jeepney driver.


Aniya, halos 180,000 jeepney franchise holder sa bansa ang kumo-konsumo ng 161.1 litro ng krudo kada buwan at ang plano ng PNOC ay mag-angkat ng 50 milyong litro ng krudo kada buwan na 31 porsiyento lang ng pangangailangan.

Nabatid na ipagbibili lang ang imported diesel sa mga maliliit na kumpanya ng langis na may 3,000 gasolinahan lang sa bansa kaya at malabo na ang mga jeepney driver ang talagang makikinabang sa plano.

Pagdidiin pa nito, ang dapat gawin ng gobyerno ay paigtingin ang pantawid pasada program at ipaglaban na mabigyan ng P20,000 halaga ng fuel aid ang mga jeepney driver sa susunod na taon sa halip na ibaba pa ito sa P10,000 na balak ng gobyerno dahil sa pagsuspindi sa fuel excise tax.

Facebook Comments