Naging matagumpay ang isinagawang “Dugtong-Buhay 2022” ng Philippine Red Cross (PRC), Radio Mindanao Networks (RMN) Inc., RMN Foundation at Home Suite Furniture.
Ayon kay RMN Foundation Corporate Social Responsibility (CSR) Officer Patrick Aurelio, kabuuang 20 bags ng dugo ang nakolekta sa naturang bloodletting activity.
Ito ay pinagsamang bilang na isinagawa sa conference room ng himpilan ng DZXL 558 Radyo Trabaho sa Guadalupe, Makati City at sa Head Office ng RMN Networks sa Salcedo Street, Legazpi Village, Makati City.
Una nang sinabi nina RMN Foundation CSR Officer Patrick Aurelio at PRC Secretary General Elizabeth Zavalla na malaking tulong ang pag-do-donate ng dugo dahil nakakapagligtas tayo ng buhay.
Sa panayam ng RMN Manila kay Aurelio, sinabi nito na simula kasi na tumama ang pandemya dulot ng COVID-19 ay maraming Pilipino ang humihingi ng tulong sa RMN Foundation.
Kaya naman, layon aniya nitong bloodletting project na makapagbigay ng serbisyo sa kalusugan ng mga nangangailangan.
Samantala, sinabi rin ni Zavalla sa interview ng RMN Manila na lubos na natutuwa ang PRC dahil simula pa noong 2019 ay nagsimula na ang ganitong programa katulong ang RMN Foundation.
Aniya, dahil sa tulong ng RMN Foundation mas lumawak ang layunin na makapagligtas ng buhay.
Ang “Dugtong-Buhay 2022” ay bilang bahagi ng nalalapit na pagdiriwang ng 70th Founding Anniversary ng RMN at 10th Anniversary ng RMN Foundation.