DUMEPENSA | Magulang ng batang iniwan sa loob ng kotse, kumain lang daw

Pasig City – Dumepensa ang ina ng bata sa viral video na iniwan sa loob ng sasakyan na nakaparada sa labas ng isang bar sa Pasig City.

Sa social media post nito, ipinaliwanag ng ina na iniwan niya ang anak dahil kumain siya sa isang restoran.

Aminado rin ito na nagalit siya sa banta ni Jasper Pascual, ang lalaking kumuha ng video, na babasagin ang sasakyan.


Giit pa niya walang magulang na gustong patayin ang anak.

Sa video na kuha ni Pascual, makikita ang pag-iyak ng bata na nasa loob ng kotse.

Maririnig din si Pascual na nagsasabing iniisip niyang basagin ang bintana ng sasakyan para mailabas ang bata pero dulot lang ito ng pagkataranta.

Bagaman may maliit na siwang sa bintana, nakapatay naman ang makina kaya minabuti ni Pascual na humingi ng tulong sa guwardiya.

Kwento naman ng guwardiya, dalawang beses na niyang tinawag ang magulang ng bata.

Samantala, pinahahanap na ni Social Welfare Acting Secretary Virginia Orogo ang mga magulang ng bata para makausap.

Giit ni Orogo, posibleng makasuhan ang mga magulang ng bata kung mapatutunayang may pagkukulang sila.

Facebook Comments