Manila, Philippines – Dinepensahan muli ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr., ang paratang ni Senador Panfilo Lacson na mayroong pork barrel sa 2019 national budget.
Paliwanag ni Andaya, walang karapatan o kapangyarihan ang Kamara o Senado na magpamudmod o mamigay ng pera para sa proyekto.
Katwiran ni Andaya, ang umano ay pork barrel na sinasabing pinamimigay ng Kamara ay pondong nakalaan sa bawat congressional districts sa bansa sa ilalim ng 2019 budget.
Pinaiiral aniya dito na walang distritong maiiwan o hindi mabibigyan ng pondo para sa kanilang constituents.
Hindi aniya ito ang sinasabing pork barrel na idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.
Samantala, sa pambihirang pagkakataon dumipensa si ACT Teachers Rep. Antonio Tinio sa bintang na pork barrel ng mga kongresista.
Hamon pa nito kay Sen. Lacson na ilantad ang mga natatanggap na pork barrel ng mga Senador na mas mataas pa kesa sa sinasabing pork barrel ng mga kongresista.