Manila, Philippines – Nilinaw ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano na walang kaugnayan sa mga komunista ang mga taga oposisyon.
Ang reaksyon ng mambabatas ay kasunod ng pahayag ni AFP Assistant Deputy Chief Of Staff For Operations Brig. Gen. Antonio Parlade na pinutol na ng simbahan at mga taga oposisyon ang ugnayan sa Communist Party of the Philippines (CPP) isang araw bago ang mga protesta noong nakaraang Linggo sa paggunita ng martial law.
Iginiit ni Alejano na wala naman dapat na putulin na ugnayan ang political opposition sa mga komunista dahil wala naman talagang kaugnayan ang mga ito sa simula pa lamang.
Aniya, ang rally ng Tindig Pilipinas nitong September 21 kaugnay sa martial law anniversary ay walang partisipasyon at walang impluwensya mula sa komunistang grupo.
Sinabi ni Alejano na dahil nagpapahayag ng pagtutol at naging kritiko ng pamahalaan ay hindi naman otomatikong masasabing sila ay komunista na.
Aniya, nakapaloob sa Konstitusyon ang malayang pagpapahayag ng saloobin anuman ang ideolohiya, relihiyon o political affiliation na kinabibilangan ng isang tao.
Pinayuhan naman ni Alejano ang AFP na lawakan ang kanilang analysis kaugnay sa nasabing usapin.