Dapat na maunang magpaturok ng COVID-19 vaccine sina Health Secretary Francisco Duque III at National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr.
Ito ang hamon ni Senador Christopher “Bong” Go kasunod ng pangamba ng ilan sa kaligtasan ng bakunang dine-develop ng iba’t ibang kompanya para sa COVID-19.
Ayon sa senador, dapat na maunang magpaturok sina Duque at Galvez para ipakita sa publiko na ligtas at epektibo ang bakunang bibilhin ng gobyerno.
Sa pamamagitan nito, mahihikayat din aniya ang publiko na magpabakuna.
Samantala, pabor si Vice President Leni Robredo sa mungkahing maunang magpabakuna ang matataas na opisyal ng gobyerno kung ang layon nito ay mapataas ang kumpiyansa ng mga tao sa bakuna.
“Kung ang dahilan ay ma-encourage ‘yong confidence sa kaligtasan ng bakuna, tama ‘yon. Pero hindi siya tama kung ang dahilan gusto lang siya yung unang maprotektahan. Kasi dapat ang unang maprotektahan, yung pinaka-expose at nagsang-ayon ako na healthcare workers ‘yon,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.