Nahaharap muli sa panibagong reklamo sa Department of Justice (DOJ) sina Health Secretary Francisco Duque III at Iloilo Representative Janette Garin dahil sa pananagutan sa mga nakatanggap ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Ayon kay Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta, 99 na reklamo ang inihain dahil sa pagkamatay ng 98 batang naturukan ng bakuna at isang batang nakaligtas.
Inaakusahan ang mga respondents ng reckless imprudence resulting in homicide sa ilalim ng Revised Penal Code, torture of children at torture resulting the deaths na paglabag sa Republic Act 9745 o Act Penalizing Torture and Other Cruel, Inhuman and Degrading Treatment.
Nilalabag din ng mga respondents ang Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines at pagpapabakuna na walang required prescription at paglalabas nito na walang pharmacist approval na paglabag sa Republic Act 10918 o Philippine Pharmacy Act.
Sinabi ni Acosta, ang 99 na biktima ay hindi nagkaroon ng dengue bago sila maturukan ng Dengvaxia at naranasan ang adverse effects nito kabilang ang pagkakaroon ng severe dengue.
Maliban kina Duque at Garin, mayroon pang 39 na iba pa ang itinuturing na respondents sa kaso.
Kasama rin sa respondents ang mga opisyal ng Sanofi Pasteur, ang manufacture ng Dengvaxia at ang local distributor na Zuellig Pharma.