Naging tanyag lamang si dating Pangulong Cory Aquino dahil sa pagkamatay ng asawa nito na kilalang oposisyon, dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte isang araw lang mula noong ika-10 death anniversary ni Aquino.
“Cory Aquino may be popular. She is popular today. Why? For losing the husband in the hands of Mr. Marcos,” ani Duterte.
Sa parehong speech sa harap ng mga benepisyaryo ng agrarian reform, nitong Agosto 2, binatikos din ni Duterte ang 1988 agrarian reform law ng dating pangulo.
Layon ng naturang batas na mamahagi ng 7.8 ektarya ng lupa ngunit ani Duterte, hindi isinama ang Hacienda Luisita na pagmamay-ari ng Aquino, Cojuangco sa Tarlac.
“Aquino declared land reform for the entire Philippines but exempted Doña Luisita, her own land,” ani Pangulo.
“When she said, ‘I would like to declare land reform in all of the Philippines.’ Hindi niya sinali ‘yung kaniya. She exempted her… So you quarrel what? The one who freed, emancipated… It’s incongruity, they call it,” dagdag niya.
Noong 2012, ipinag-utos ng Korte Suprema ang pamamahagi ng 4,915 ektarya ng Hacienda Luisita sa 6,296 benepisyaryo.
Si Aquino ang kauna-unahang babaeng naging presidente ng Pilipinas, na nanungkulan mula 1986 hanggang 1992.
Nang mamatay ang kanyang asawa, pinangunahan niya ang 1986 EDSA Revolution na tumapos sa dalawang dekadang diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos
Namatay si Aquino noong Agosto 1, 2009 sa edad na 76 matapos ang 16 buwang pakikipaglaban sa colon cancer.