Sinabi ng Malacañang nitong Huwebes na maaaring magdeklara ng martial law sa probinsiya ng Negros Oriental si Pangulong Rodrigo Duterte kung sakaling irekomenda ito ng militar at lokal na pamahalaan sa naturang lalawigan.
Matatandaang 20 katao ang napaulat na pinatay sa nasabing lugar nitong mga nagdaang araw.
Kabilang sa mga nasawi ay isang abogado, public school officials, sumukong rebelde at mga pulis na miyembro ng intelligence task force.
Nagpakalat din ng mahigit 300 tropa mula sa Special Action Force (SAF) ang Philippine National Police (PNP) para matulungan ang lokal na pulisya sa pananatili ng seguridad.
Pero sambit ni Panelo, may posibilidad na kulang ang bilang ng pinakalat na security forces.
“From the judgment of the President, it appears to be so. Especially he mentioned last night that mas marami ang sumusuporta ngayon sa mga NPA [New People’s Army]. They are taking advantage nga doon sa pagkakagulo ng mga away sa lupa,” ani Panelo.
Dagdag pa niya, nagbabala si Duterte sa mga rebeldeng komunista na gagamit siya ng emergency powers sa ilalim ng Konstitusyon para matapos na ang karahasang bumabalot ngayon sa Negros Oriental.
“The President will obey the constitutional command to serve and protect the Filipino people at any cost, and to fiercely save the Republic from imminent ruin,” saad ni Panelo.
Noong Miyerkules, inanunsyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pinag-aaralan nila ang sitwasyon sa posibleng suhestiuyon ng pagpapatupad ng batas militar sa lalawigan dahil sa mga serye ng patayan.