Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga empleyado ng gobyerno na pamarisan ang mga ginawa at sakripisyo ni dating senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Sa paggunita ng ika-36 anibersaryo ng kamatayan ni Aquino, kinilala ni Duterte ang naging papel ng dating senador sa pagpapanumbalik ng demokrasya sa bansa higit tatlong dekada na ang nakararaan.
Ayon sa Pangulo, ang mga sakripisyo ni Aquino ang bumago sa kasaysayan ng bansa, at ang patuloy na bumubuhay sa diwa ng kabayanihan sa taumbayan.
Hiling ni Duterte na ang kabayanihan ng dating senador ay magsilbing paalala sa bawat Pilipino na patuloy na protektahan ang tinatamasang kalayaan.
“I also hope that Ninoy’s remarkable life as a public servant will move my fellow government workers to serve with honor, integrity and purpose as well as inspire our youth to be of service to their country and fellowmen,” ani Pangulo.
Sa kabila nito, inamin ni Duterte, na nangangalahati na sa kanyang termino, na marami pang dapat gawin upang sugpuin ang korapsyon, kahirapan, at kawalan ng hustisya na noon pa mang panahon ni Aquino ay nilalabanan na.
“Let his example guide to as we strive to uplift and protect the most vulnerable in our society and ensure that all Filipinos will enjoy the blessings of freedom, democracy and the rule of law,” turan ng Pangulo.
Si Aquino, mariing kritiko ng diktaduryang Marcos, ay pinaslang noong Agosto 21, 1983 sa noon ay Manila International Airport.