Nakalusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang “e-Health System and Services Act”.
Sa botong 197 na pabor at wala namang tutol ay inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang House Bill 10245 para sa pagbuo ng Philippine Electronic Health o e-Health System and Services na mahalaga para sa ikatatagumpay ng Universal Health Care (UHC) Law.
Ayon kay House Committee on Health Chairperson Angelina Tan, lubhang mahalaga ang e-Health system lalo na ngayong panahon ng COVID-19 pandemic na layong mapalawak ang access sa dekalidad na health information at services gamit ang informations and communications technology.
Ang pamumuhunan din aniya sa e-Health sa panahon ng krisis pangkalusugan ay kinakailangan upang matiyak ang pantay na serbisyong pangkalusugan lalo na para sa mga naninirahan sa malalayo at mahihirap na lugar.
Kapag naisabatas, magkakaroon din ng eHealth Policy and Coordination Council na siyang maglalatag ng mga polisiya at magsusulong ng mga patakaran para sa epektibong implementasyon ng batas.
Panukala na nagpapalawig sa bisa ng 2021 budget hanggang sa katapusan ng 2022, mabilis na nakalusot sa komite ng Kamara
Aprubado na sa House Committee on Appropriations ang panukalang nagpapalawig sa “validity” o bisa ng 2021 national budget hanggang sa katapusan ng 2022.
Sa House Bill 10373 ng inihain ni Appropriations Panel Chairman Eric Yap, isinusulong na i-extend ang bisa ng 2021 General Appropriations Act o 2021 GAA hanggang December 31, 2022.
Ayon kay Appropriations Vice Chairman Mannix Dalipe, mismong ang liderato ng Kamara ang nag-utos na agad itong ipasa sa komite.
Nauna nang ikinatwiran ng may-akda ng panukala na dahil sa COVID-19 pandemic, naapektuhan ang operasyon ng mga ahensya ng pamahalaan at nagkaroon ng delay sa paggugol ng mga alokasyon sa ilang mga programa o proyekto.
Tinukoy rin na maraming alokasyon sa pambansang pondo ngayong taon ay para sa pantugon sa pandemya kaya naman makakatulong kung maipagpapatuloy ang paggamit sa pondo sa susunod na taon.
Inaasahan naman na mamadaliin ang deliberasyon sa plenaryo at pag-apruba rito ng Kamara bago sila magbakasyon sa Disyembre para sa holiday season.