Pinalalagyan ng isang kongresista ng E-Learning Center ang bawat munisipalidad at siyudad sa bansa.
Tinukoy ni Davao City Rep. Paolo Duterte na ang paglaganap ng COVID-19 pandemic ay hindi lamang nakaapekto sa kalusugan kundi pati na rin sa edukasyon ng bansa.
Sa ilalim ng House Bill 453 ay kinikilala ang mahigpit na pangangailangan para sa ‘accessibility’ at ‘availability’ ng alternatibong pamamaraan ng pagkatuto kung saan pagagaanin ang epekto ng pandemya hindi lamang sa kalidad ng educational system kundi sa kapakanan din ng mga mag-aaral at mga guro.
Ang E-Learning Center ay magsisilbing ‘venue’ kung saan ang publiko ay maaaring magkaroon ng access sa information at communication technologies.
Hindi lamang mga kabataang mag-aaral ang makikinabang sa E-Learning Center kundi pati na ang mga nakatatanda na nagnanais na madagdagan ang kanilang kaalaman at mapaghusay ang bagong kakayahan.
Kapag mayroon nang E-Learning Center ito ay magkakaroon pa rin ng upgrading para makasabay sa pangangailangan habang ang mga kasalukuyang public libraries at reading centers ay i-a-upgrade naman sa e-learning center o kaya naman ang mga materials at sistema dito ay idi-digitized.