E-LGU SYSTEM, INILUNSAD SA MANAOAG

Inilunsad sa bayan ng Manaoag, Pangasinan ang Business-One-Stop eLGU System sa pamamagitan ng isinagawang 2-day DICT eLGU System In-House Face-to-Face Refresher Training noong Oktubre 2 hanggang 3.

Layunin ng aktibidad na palakasin ang kaalaman ng mga kawani ng lokal na pamahalaan hinggil sa operasyon at maintenance ng bagong online system na magpapabilis sa mga transaksyon sa munisipyo.

Dumalo sa pagsasanay ang mga kinatawan mula sa Mayor’s Office, Local Treasury, Zoning Office, Information Office, Municipal Health Office, at Bureau of Fire Protection.

Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), ang eLGU System ay bahagi ng digital transformation program ng pamahalaan upang mapahusay ang transparency, mapabilis ang serbisyo, at mapagaan ang proseso ng pagnenegosyo sa mga lokalidad.

Maalala na noong nakaraang taon ay sinimulan din ng DICT ang katulad na pagsasanay sa Lingayen, bilang unang hakbang sa pagpapalawak ng eLGU implementation sa buong lalawigan ng Pangasinan.

Sa pamamagitan ng eLGU system, inaasahang mas mapapadali ang pagkuha ng mga business permit at iba pang dokumentong lokal, habang nababawasan ang face-to-face transactions at manual processing.

Facebook Comments