E-session, isasagawa ng Sangguniang Panlungsod ng Pasay dahil sa banta ng COVID-19

Plano ng Sangguniang Panlungsod ng Pasay na magsagawa ng sesyon gamit ang video conferencing at iba pang paraan.

Ito’y upang makaiwas sa banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at masunod ang ipinapairal na Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipinatupad ng gobyerno.

Ayon kay Majority Leader Councilor Mark Calixto, inamiyendahan ng City Council ang House Rules patungkol sa epidemya, kalamidad, at iba pang emergency situation na nasasaad sa Resolution Number 5019 series of 2020.


Dahil dito, inatasan ang Office of the City Secretary na tiyaking mayroong mabilis na internet connection sa session hall at offsite venues.

Sa pagsisimula ng e-session ay kailangang magsumite ang mga konsehal ng buong pangalan, lokasyon at kumpirmasyon na malinaw nitong naririnig at nakikita ang kanilang mga kasamahan.

Isa rin itong patunay na natanggap ng opisyal ang agenda at mga materyales kaya pati ang gamit na device o gadget ay dapat ideklara.

Kukumpirmahin ng Office of the City Secretary ang mga opisyal ng lungsod na lalahok sa sesyon upang maideklara nito na magkakaroon ng quorum.

Sa ngayon, nasa 169 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Pasay habang 380 ang probable at 67 ang suspected cases.

Nasa 28 na ang gumaling pero 19 sa mga residente nito ang nasawi dahil sa COVID-19.

Facebook Comments