Maulap hanggang maulan na gabi at umaga, kasunod ng matinding init at maalinsangang panahon tuwing hapon, na maaari ring magdulot ng localized thunderstorms ang kasalukuyang nararanasan ng mga Pangasinense ngayon.
Sa panayam ng IFM News sa PAGASA Dagupan, ito ay dahil sa umiiral na easterlies o mainit na hanging nagmumula sa Pacific Ocean.
Nakapagtala rin ng abot sa 38°C heat index ang tanggapan sa Pangasinan ngayong araw.
Bagamat wala pang opisyal na deklarasyon ng pagsisimula ng tag-init, inaasahan na ang maalinsangan na panahon sa lalawigan at iba pang bahagi ng Hilagang Luzon.
Sa kabila nito, sa datos ng PAGASA kahapon, patuloy na naaapektuhan ng amihan ang pinakahilagang Luzon, kabilang ang Batanes, Ilocos Norte, Apayao at Cagayan.
Dahil dito, nagbigay ng abiso ang PAGASA Dagupan sa publiko na mag-ingat sa biglaang pagbabago ng panahon upang maiwasan ang masamang epekto nito sa kalusugan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










