
Haharap si dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson sa padinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa maanomalyang flood control projects.
Ito’y matapos na pumayag si Senate President pro-tempore Ping Lacson sa request ni Singson na humarap sa imbestigasyon ng komite.
Ayon kay Lacson, nagpunta sa kanyang opisina si Singson matapos din siyang sulatan nito at inilahad ang gustong isalaysay.
Tungkol umano sa flood control ang ite-testify ni Singson na sa tingin niya ay mahalaga at makadaragdag sa kanilang pagsisiyasat.
Itinakda sa April 14 ang susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee at maaari pa itong iurong sa mas maagang petsa.
Samantala, kukunsultahin muna ni Lacson ang mga myembro ng Blue Ribbon Committee tungkol sa pagpapatawag sa 18 mga nagpakilalang dating sundalo na umano’y naging tauhan ni dating Congressman Zaldy Co at pinagdeliver ng male-maletang kickbacks mula sa flood control projects para sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno.
Bukod sa hirap paniwalaan ang mga hindi nagtutugmang halaga ng mga ipinamudmod na pera ng flood control projects, wala rin aniyang effort sa panig ng mga ito na makipagugnayan kahit nag-open invitation na rito si Lacson.










