Matinding pinsala ang iniwan ni Bagyong Ambo sa mga lugar na dinaanan nito sa bansa.
Sa Eastern Samar, isolated na ngayon ang mga bayan ng Santa Monica, San Policarpo, Jipapad, Arteche, at Maslog matapos hagupitin ng bagyo kagabi.
Sa interview ng RMN Manila kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal, karamihan sa mga naitalang pinsala ay mga bahay na natanggalan ng bubong, mga nagtumbahang puno at poste ng kuryente sa mga kalsada dahil sa malakas na hangin na dala ng bagyo.
Pahirapan na rin ang pag-monitor sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad dahil sa bagsak na communication line.
Marami namang lugar sa probinsya sa Pangasinan, Benguet at Baguio City ang nakakaranas ngayon ng brownout dahil sa mga natumbang poste ng kuryente.
Sa ngayon ay walang namo-monitor ang NDRRMC ng casualty sa Bagyong Ambo.
Samantala, sa gitna ng COVID-19 pandemic at nararanasang hagupit ng Bagyong Ambo, tiniyak ni Timbal na mahigpit na ipinapatupad ang health protocols sa mga evacuation center.
May mga itinalaga rin ang NDRRMC na medical workers para i-monitor ang kalusugan ng mga evacuees.