Manila, Philippines – Nagpaalala muli ang pamunuan ng Philippine National Police sa publiko laban sa mga kaliwat kanang investment scam sa bansa.
Matapos ang pagkakaaresto sa mag asawang mastermind sa NewG Bitcoin investment scam na nakakakulembat ng mahigit 900 milyong piso mula sa mahigit 50 nalokong mga investors.
Sinabi ni PNP Chief Ronald Dela Rosa, huwag na huwag maniniwala sa “too good to be true” na mga pangako dahil mismo siya ay nabiktima rin ng investment scam noon.
Ayon naman kay PNP CIDG Chief Police Director Rouel Obusan na nadakip sa isinagawang entrapment operation ang magasawang sina Arnel Ordonio, 27 anyos at asawa nitong si Leonady Ordonio ang registered owners ng NewG company na tumatangap ng investment mula sa mga investors.
Hiling naman ngayon ng mga nabiktima na maibalik ang kanilang perang na-invest.
Isa rito ay ang biktimang si Rose Ann Maglunog, na nag-invest ng 4 na milyong piso kasama ang kanyang asawa noong buwan ng Nobyembre nang nakalipas na taon.
Kwento niya noong una ay naibibigay ang “sweldo” o tubo ng kanilang pera na aabot sa 30 porsyento tuwing ikaw 16 na araw pero sa kalaunan ay unti-unti nang nagkakaproblema ito.
Nitong January 4, 2018 ay nangako aniya ang NewG Company na aayusin nila ang problema, pero hindi natupad ang kanilang pangako hanggang nagdesisyon na silang magsumbong sa PNP.
Iprinesenta naman ni PNP Chief Dela Rosa sa Media ang mga suspek na ayaw namang magsalita nang tanungin kung maibabalik pa ang pera ng kanilang mga nalokong investors.
Sa ngayon kinasuhan na ng syndicated stafa ang magasawa na ngayon nananatiling nakakulong sa PNP CIDG headquarters.