Ebalwasyon sa Road Clearing Ops ng Cauayan City, Isasagawa Ngayong Araw

Cauayan City, Isabela- Nakakasa na ngayong araw, Pebrero 23, 2021 ang gagawing inspeksyon ng *Department of the Interior and Local Government* (DILG) sa performance o pagtugon sa road clearing operation ng Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ret. Col Pilarito ‘Pitok’ Mallillin, pinuno ng Public Order and Safety Division (*POSD*) Cauayan, kanyang sinabi na matagumpay ang kanilang road clearing operation sa Lungsod na kung saan ay makikita naman aniya na lumuwag at maaliwalas na ang mga pangunahin at pampublikong kalsada.

Nagkaisa aniya ang grupo ng POSD katuwang ang iba pang ibdibidwal para tanggalin ang lahat ng obstruction o kahit na anong uri ng sagabal na nakakapagdulot ng traffic o paninikip ng kalsada.


Kumpiyansa naman ang pinuno ng POSD na makakapasa ang Lungsod sa standard ng DILG pagdating sa road clearing operation performance.

Sinabi pa nito na una nang nagbigay ng warning ang POSD team sa mga may-ari ng mga itinayong obstruction sa gilid ng kalsada ngunit ilan aniya sa mga ito ay hindi tumugon kaya’t sila na mismo ang nagtanggal sa mga sagabal.

Pinaalalahanan naman nito ang mga namamasadang traysikel drayber na huwag gawing paradahan ang mga gilid ng kalsada upang hindi masita at mapanatili ang maayos at maluwag na kalsada.

Hiniling din ng opisyal sa mga Cauayeño na makipagtulungan sa programa ng gobyerno upang mapanindigan ang bansag sa syudad na ‘The Ideal City of the North”.

Sa kabuuan, nasa 16 barangay ang na-clear sa Lungsod subalit inihayag ni Mallillin na hindi lamang dito tumitigil ang POSD kundi maging sa mga sakop na nasa liblib na lugar.

Facebook Comments