*Cauayan City, Isabela- * Para maging komportable ang mga pasyente ay nagdagdag ng mga kuwarto at kinukumpuni pa ang ilang pasilidad ng Echague District Hospital na nakabase sa bayan ng Echague, Isabela.
Ito ay pinondohan ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng kanilang Facilities Enhancement Program at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela para sa mas maayos at magandang serbisyong pangkalusugan.
Ayon kay Dr. Rhoda Jacqueline Gaffud, Chief of Hospital ng Echague District Hospital ay mas malaki ang counter part na pondo ng pamahalaang panlalawigan na layong mapaganda ang pagbibigay serbisyo sa mga mamamayan ng Isabela.
Dito ay nagdagdag ng pang-pribado at regular na kuwarto para sa mga pasyente habang kinukumpuni naman ang ilang mga tiles at kisame.
Kaugnay nito, laking pasasalamat naman ni Dr. Gaffud bilang bagong pinuno ng ospital dahil sa pagtitiwala ng pamahalaang panlalawigan sa kanya kaya’t lalo pa aniya nitong pagsisikapan at pag-ibayuhin ang magandang pamamalakad.