Economic adviser ng pamahalaan, iminungkahing tanggalin na ang umiiral na Alert Level System sa bansa

Nais sana ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Sec. Joey Concepcion na tanggalin na ang umiiral na Alert Level System sa bansa.

Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Sec. Concepcion, na ito ay para lahat ng mga negosyo at trabaho ay tuluyan nang magbukas at hindi na rin aniya kailangang magpatupad pa ng mga lockdown.

Ayon kay Concepcion, itutuloy pa rin ng kanilang hanay ang pagbabakuna sa kanilang mga manggagawa para matiyak na protektado ang mga ito at magtuloy-tuloy lang ang kanilang pagtatrabaho at produksyon.


Mahalagang bagay aniya na makapaglagak ng puhunan sa imprastraktura at mga negosyo para tuloy-tuloy rin ang ikot ng pera para sa huli makabayad ng utang ang bansa.

Kasunod nito, ipinaalala ni Concepcion na nasa P12.68 trilyon ang utang ng Pilipinas kung saan, malaking bulto rito ay ginamit pambili ng mga bakuna at mga gamit pantugon sa COVID-19 pandemic at posible pa aniyang sa pagtatapos ng taon ay lumobo pa ang utang ng bansa sa P13.2 trilyon.

Samantala, tiniyak din nito na nakahandang tumulong ang pribadong sektor sa bagong administrasyong Marcos sa patuloy na pagtugon sa pandemya ng COVID-19.

Facebook Comments