Economic Cha-Cha sa Kamara, mapagbobotohan bago ang sine die adjournment sa Hunyo

Kumpyansa si House Committee on Constitutional Amendments Chairman Alfredo Garbin na mapagbobotohan sa Kamara ang Resolution of Both Houses number 2 o mas kilala na Economic Charter Change (Cha-Cha) bago mag-sine die adjournment ang Kongreso sa Hunyo.

Ayon kay Garbin, sa muling pagbabalik sesyon sa May 17 ay tatapusin na lamang nila ang debate ng economic Cha-Cha sa plenaryo.

Tiwala ang kongresista na mabilis na lamang ang proseso dahil bago pa sila magbakasyon nitong Marso ay nasa pitong kongresista na lamang ang nakalista para sumalang sa plenary debate.


Aniya, madali na lamang na matatapos ang pagtalakay sa panukala na nag-aamyenda sa “restrictive Economic provisions” ng 1987 Constitution dahil ang mga tanong ay paulit-ulit na lamang.

Sa oras naman na matapos na ang debate ay target na pagbotohan ang economic Cha-Cha sa ikalawa at ikatlong pagbasa bago mag-adjourn ang Kongreso sa June 4.

Batay sa kalendaryo ng Kamara, ang sine die adjournment ay mula June 5 hanggang July 25, 2021 at magbabalik ang sesyon para sa third regular session sa July 26 o sa panghuling State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments