Sa susunod na Lunes pa maisasalang sa plenaryo ang Resolution of Both Houses No. 2 o ang pag-amyenda sa restrictive economic provisions ng 1987 Constitution.
Ayon kay Constitutional Amendments Chairman Alfredo Garbin Jr., sa susunod na linggo pa ito maiaakyat sa plenaryo dahil ang committee report ay nakabitin pa sa Committee on Rules.
Ngayong linggo ay inaabangan naman na mai-refer na ito sa plenary deliberation upang masimulan na agad ang pagbusisi sa panukalang Cha-Cha.
Matatandaang naunang sinabi noong nakaraang linggo ni Garbin na posibleng sa ikalawa o ikatlong linggo ng Pebrero matatalakay sa plenaryo ng Kamara ang economic Cha-Cha.
Umaasa rin ang kongresista na agad din nilang mapagtitibay sa ikatlo at huling pagbasa ang RBH2 at makakakuha sila ng 3/4 ng boto ng lahat ng mga myembro ng Mababang Kapulungan.