Economic Cha-cha, suportado nina dating Senator Honasan, dating Secretary Teves at DFA

Sa deliberasyon ng House Committee of the Whole sa Resolution of Both Houses No. 7 ay nagpahayag ng pagsang-ayon sa economic Charter change (Cha-cha) sina dating Senator Gregorio “Gringo” Honasan, dating Finance Secretary Margarito Teves at ang Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon kay Honasan, panahon na para baguhin ang ating Saligang Batas dahil ang pagluluwag sa economic provisions nito ay tiyak mag-aambag ng malaki sa pag-unlad ng ating ekonomiya.

Diin pa ni Honasan, kawawa ang mga Pilipino kung mananatili tayong sarado sa mga dayuhang mamumuhunan.


Paliwanag naman ni Teves, ang limitasyon sa ating konstitusyon ay hindi taglay ng basic laws ng ibang ASEAN countries katulad ng Singapore at Malaysia kaya naman mas malaki ang natatanggap ng mga itong foreign direct investments.

Dagdag pa ni Teves, ang pagtatayo ng mga dayuhan ng manufacturing plants sa rural communities ay tiyak magbibigay ng trabaho at kabuhayan sa mamamayan at magiging daan din ng pagpapalakas ng ekonomiya sa bawat rehiyon.

Pinuri din ni DFA Undersecretary Jesus Domingo ang Singapore na unti-unting nagbukas ng ekonomiya sa dayuhang pamumuhunan simula 1965 hanggang 1990s.

Facebook Comments