Suportado ng mga economic managers ng administrasyong Marcos ang pagtatatag ng Maharlika Wealth Fund.
Sa isang joint statement na pirmado nina Finance Secretary Benjamin Diokno, Budget Sec. Amenah Pangandaman, National Economic and Development Authority (NEDA) Director General Arsenio Balisacan at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Felipe Medalla, naniniwala ang mga ito na ang Maharlika Wealth Fund ay isang paraan para sumulong ang agenda for prosperity ng Marcos administration upang makamit ang target na pagbawi ng ekonomiya ng bansa.
Subok na aniya ang sovereign wealth fund bilang investment vehicle ng mga gobyerno sa first world at developing countries.
Ilan lamang anila sa mga benepisyong inaasahang idudulot ng sovereign wealth fund ay ang mas maraming puhunan sa pagpopondo ng malalaking imprastraktura, high-return green and blue projects, pagpapaunlad sa mga kanayunan kabilang na ang sector ng agrikultura, pagmimina at iba pa.
Kaya naman hinikayat ng economic managers ang mga kongresista na isulong na ang panukalang lilikha ng Maharlika Investments Corporation para hindi anila maantala pa ang pag-unlad ng ekonomiya at hindi mapagkaitan ng oportunidad ang mga Pilipino na guminhawa.