Tiniyak ng Kamara na tuloy pa rin ang Economic Stimulus Plan ng pamahalaan sa kabila ng naunang pahayag ng Department of Finance (DOF) at National Economic Development Authority (NEDA) na hindi nila kayang pondohan ang bersyon na inaprubahan ng Kamara.
Ayon kay House Ways and Means Committee Chairman Joey Sarte Salceda, hahatiin nila sa tatlong tranches ang Economic Stimulus Plan.
Maaari aniyang magpatawag ng special session para maisapinal at maaprubahan ang economic stimulus packages na ito.
Base sa memorandum na ipinadala kina Speaker Alan Peter Cayetano at Majority Leader Martin Romualdez, inirekomenda ni Salceda kasama ang dalawang co-chairman ng economic cluster ng House Defeat COVID-19 Committee ang adoption ng Kamara sa counterpart bill ng Senado sa Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy of the Philippines (ARISE).
Nabatid na sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act, ang Senate version ng ARISE ay nasa ₱157 billion ang kailangan pondo para buhayin ulit ang ekonomiya ng bansa, pero maaari nila itong ibaba sa ₱140 billion.
Kung sakali, ito na ang ikalawang stimulus plan ng pamahalaan bilang ang Bayanihan to Heal as One ang siyang pinaka-una.
Ang ikatlong tranche naman ng economic stimulus package ay target nilang maaprubahan sa darating na Hulyo na nagkakahalaga ng ₱280 billion at ang pang-apat na tranche naman na nagkakahalaga rin ng ₱280 billion ay isasama naman sa 2021 National Budget.